Nasawi ang apat katao habang pito ang sugatan matapos ang tatlong magkakahiwalay na pagsabog sa kabisera ng Nepal na Kathmandu, araw ng Linggo.
Ayon kay police official Shyam Lal Gyawali, pinaniniwalaang isang Maoist splinter group ang nasa likod ng pag-atake.
Tatlo ang namatay sa unang pagsabog na naganap malapit sa isang parlor sa Sukedhara.
Naganap ang ikalawang pagsabog sa isang bahay sa Ghattekulo residential area kung saan isa ang nasawi.
Ang ikatlong pag-atake na ginamitan ng crude device ay naganap sa Thankot area kung saan dalawa ang nasugatan.
Pito ang kabuuang bilang ng mga nagtamo ng injury na sa ngayon ay patuloy na ginagamot sa mga ospital.
Ayon kay Gyawali, ang mga hinihinalang suspek na kumalas sa isang dating grupo ng Maoist rebels ay tutol sa pag-aresto ng gobyerno sa kanilang mga tagasuporta.
Magugunitang nagkaroon ng Maoist civil war sa Nepal na natapos taong 2006 kung saan ang main group ng mga dating rebelde ay sumapi na sa partidong nagpapatakbo ng gobyerno ngayon.
Ang mga kumalas naman sa grupo ng mga rebelde ay naghahasik ng karahasan.
Noong Pebrero ay isang kahalintulad na pagsabog ang naganap sa Kathmandu kung saan isa ang nasawi at dalawa ang nasugatan.