Palasyo: BOC ibabalik sa Hong Kong ang basura na dumating sa Misamis Oriental

Ibabalik ng Pilipinas sa Hong Kong ang basurang dumating sa Misamis Oriental ayon sa Malakanyang.

Ang mga basurang plastic na nakadeklarang “assorted electronic accessories” ay ang pinakahuli sa mga nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) kasunod ng mga basura mula sa Australia, Canada at South Korea.

Ang shipment mula sa Hong Kong ay dumating sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental noong Enero.

“We commend the Bureau of Customs for the early detection of the entry of mixed plastic wastes, which have been declared ‘assorted electronic accessories,’ from Hong Kong into Misamis Oriental, Philippines. We understand that the BOC would export this illegal shipment back to its port of origin,” pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Nanawagan ang Malakanyang sa kaukulang ahensya ng gobyerno na patuloy na maging alerto at harangan ang pagpasok ng basura sa bansa.

Iginiit ni Panelo ang polisiya ng gobyerno na hindi dapat maging tambakan ng basura ng ibang bansa ang Pilipinas.

Una rito ay inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang pagsoli ng basura ng Canada na dumating sa bansa noong 2013 at 2014.

Hindi tinanggap ng gobyerno ang nais ng Canada na makumpleto ang proseso ng paghakot ng basura sa katapusan pa ng Hunyo.

 

 

 

 

Read more...