Tatlong katao ang nasawi matapos tamaan ng kidlat sa magkakahiwalay na insidente sa mga lalawigan ng Camarines Sur at Leyte.
Nagtatrabaho sa palayan ang isang magsasaka sa bayan ng Nabua sa CamSur nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Sumilong ang biktimang si Marvin Leonen sa isang maliit na kubol nang tamaan ito ng kidlat.
Nagtamo ang magsasaka ng sunog sa katawan at patay na nang madala sa ospital.
Sa bayan naman ng Cabaman, walong lalaki na gumagawa ng bahay sa Barangay San Vicente ang dinala sa ospital matapos tamaan ng kidlat ang isang puno kung saan sila nakasilong.
Isa sa walo na nakilalang si Raymond Pesimo ang nasawi habang isa pa na nakilalang si Mazer Salik ay nasa kritikal na kundisyon.
Samantala sa Babatngon, Leyte, nangingisda si Diosdado Sabenario nang tamaan ito ng kidlat sa gitna ng dagat.
Nadala pa sa ospital si Sabenario pero idineklara na itong dead on arrival.