Halos P1B halaga ng shabu nakumpiska sa isang warehouse sa Malabon

Nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BOC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) ang 146 kilo ng hinihinalang shabu na aabot sa P1 bilyon ang halaga sa isang warehouse sa Malabon City.

Nakalagay ang mga kontrabando sa 114 na bags na nakasilid naman sa mga aluminum na paleta na nagmula sa Cambodia at sinasabing parte ng Golden Triangle Drug Syndicate.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, matapos ang operasyon sa Cavite noong nakaraang Pebrero ay inimbistigahan nila ang cellphone ng mga naarestong suspek na sina Alexander Jun Wah Ting Lee at Patrick John Gankee.

Sa imbistigasyon ay nalaman na may hinihintay na shipment ang grupo na nakabalot sa tapioca starch at nakapangalan sa Goroyam Trading.

Dali-daling nakipag-ugnayan ang PDEA sa BOC upang makita ang nasabing droga at natagpuan nga ito noong March 5 sa Malabon City.

Dahil sa pag-abandona sa shipment, ipina-auction ito ng mga otoridad sa pagbabakasaling lulutang ang mga nasa likod ng sindikato.

Sa naganap na bidding noong April 22, nanalo ang Goldwin Warehouse kung saan nakita ang mga shabu ngunit sinabi ni Aquino na walang koneksyon ang may-ari ng warehouse sa mga natagpuang droga.

Ani Aquino, may kaugnayan ang nakumpiska ngayong kilo-kilong shabu sa mga naunang operasyon sa Ayala, Alabang, Dasmarinas, at Tanza sa Cavite.

Read more...