Sa isang press release araw ng Huwebes, sinabi ni Elizaldy Co, may-ari ng Misibis Bay resort na isinampa niya sa Legazpi City Prosecutors’ Office ang mga kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act ng Revised Penal Code.
Ito ay dahil nabanggit umano ang pangalan ng kanyang kumpanya sa isa sa mga “Ang Totoong Narco-list” videos.
Nitong Huwebes, sinabi ni Peter Joemel Advincula na nagpakilalang si Bikoy na kasinungalingan lamang ang mga akusasyon laban sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Co na umamin na mismo si Bikoy na lahat ng nilalaman ng video series na nag-uugnay sa kanya, sa kanyang negosyo at sa iba pang personalidad ay gawa-gawa lamang.
Kaya dapat anyang mapanagot si Bikoy, ang Facebook at ang Google.
Bukod kay Advincula at social media giants, kasama sa inireklamo si Rodel Jayme, ang administrator ng MetroBalita.net na nagshare umano ng videos.
Aabot sa higit P1 bilyong danyos moral ang hinihingi ni Co laban sa mga respondents.
Dedesisyunan ng Legazpi Prosecutors’ Office kung may probable cause ang reklamo at bibigyan ng pagkakataon ang respondents na maghain ng kontra salaysay.