Mga residente sa Marawi pwede nang magtayo uli ng kanilang mga bahay

Pinayagan na ang libo libong mga pamilya na naapektuhan ng giyera sa Marawi City na muling magtayo ng kanilang mga bahay sa mga pinaka-nasirang bahagi ng lungsod.

Ayon sa Task Force Bangon Marawi (TFBM), simula sa Hulyo ay pwede nang magtayo ng mga bahay ang mga residente sa Marawi City, dalawang taon makalipas na atakehin ng mga teroristang Maute Group ang lugar.

“The private houses, residences, and buildings, we will allow them to go back starting July in Sector 1. Those private owners can go back there to repair or reconstruct or build a new building but it will be charged on their own,” ani TFBM chairperson Secretary Eduardo Del Rosario.

Ang sector 1 ang isa sa siyam na sektor na bumubuo sa 250-hectare “most affected area” sa Marawi City.

Sakop ng bawat sektor ang mga naapektuhang barangays kabilang ang main battle area.

Mula noong 2018 ay pinayagan na ang mga residente na pumunta at kumuha ng anumang pakikinabangan pa sa kanilang mga dating tahanan.

Pero hindi pa sila pinayagan na muling magtayo ng kanilang mga bahay at ari-arian dahil hindi pa lubusang tapos ang clearing operations sa lugar.

Paliwanag ni Del Rosario, ang kaligtasan ang mga residente ang dahilan kaya inabot ng 2 taon bago sila pinayagang muling magtayo ng mga istraktura.

Samantala, ang 4,000 pamilya na dating nakatira sa danger zone ay tutulungan ng gobyerno na mag-relocate at magtayo ng kanilang mga bahay.

Read more...