Cardema tinanggap na miyembro ng koalisyon sa Kamara

INQUIRER.net photo / Noy Morcoso

Tinanggap ng isang koalisyon sa Kamara si dating National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema bilang kanilang miyembro.

Ayon kay 1-Pacman Rep. Michael Romero, tinanggap nila si Cardema na miyembro ng Party-list Coalition Foundation, Inc.

“For us, we already accepted the membership of congressman Cardema as member of the PCFI [Party-list Coalition Foundation, Inc.],” ani Romero.

Naghain si Cardema ng substitution matapos na ang mga nominee ng Duterte Youth, kabilang ang kanyang asawa na si Ducille ay umatras sa kanilang nominasyon.

Wala pang desisyon ang Commission on Elections (Comelec) sa hiling ni Cardema na substitution sa Duterte Youth na nakakuha ng isang seat sa eleksyon noong May 13.

Sinabi naman ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr., miyembro ng party-list coalition, na ipinauubaya nila ang isyu sa Comelec.

Matatandaan na naging kontrobersyal si Cardema nang hiniling nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng Executive Order na itigil ang scholarships ng gobyerno sa mga estudyante na laban sa administrasyong Duterte.

Hiniling naman ng election watchdog na Kontra Daya na mag-bitiw sa pwesto si Cardema bilang NYC chairman dahil sa umanoy “conflict of interest” at paggamit ng pondo ng pamahalaan dahil ang misis nito ay first nominee ng Duterte Youth party.

Read more...