State of calamity, idineklara sa ilang bahagi ng Aklan dahil sa red tide

 

Inquirer file photo

Isinailalim na sa state of calamity ang tatlong bayan sa Aklan dahil sa lumalaganap na red tide sa dagat na nasasakop nito.

Ayon kay Provincial Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) executive officer Galo Ibardolaza, idineklara ang state of calamity sa mga bayan ng Altavas, Batan at New Washington sa Aklan alinsunod sa advisory na inilabas ng Bureau of Aquatic Resources (BFAR).

Simula pa noong November 21 ay mayroon nang red tide alert sa Tinagong Dagat kung saan bahagi ang tatlong nasabing bayan sa Aklan.

Dahil sa alertong inilabas ng BFAR, ipinagbabawal na rin ang pangunguha at pagbebenta ng mga shellfish na karaniwang labis na apektado sa red tide.

Sa Davao City naman, hindi pa inaalis ng BFAR ang pagbabawal sa pag-ani ng mga shellfish at iba pang katulad na laman-dagat sa Balite Bay sa Davao Oriental dahil na rin sa red tide.

Paalala ng BFAR, maari pa namang kumain ng isda na inani sa mga apektadong tubig pero dapat ay sariwa at hugasan itong maigi bago lutuin.

Sa deklarasyon ng state of calamity, makakapaglabas ng pondo ang lokal na pamahalaan ng pondo upang matulungan ang mga mamamayan na naapektuhan ang kanilang mga hanapbuhay.

Read more...