Pinaghahanda ng mga jeepney operators sa Cebu City ang mga residente doon sa nakaambang kilos protesta ng mga pampasaherong jeepney sa lungsod na nakatakdang ilunsad ngayong Lunes ng umaga.
Makikiisa ang Alliance of Transport Organizatioin Member Intra-Cebu City o ATOMIC sa ‘National Day of Protest’ ngayong araw bilang pagkondena sa plano umano ng LTFRB na i-phaseout ang mga pampasaherong jeepney na umeedad 15 taon pataas.
Ito’y sa kabila ng pagtiyak ni LTFRB Chairman Winston Ginez na walang magaganap na phaseout ng mga lumang pampublikong sasakyan sa 2016.
Sa kabila nito, sinabi ni Rudy Laconza, chairman ng ATOMIC na itutuloy nila ang transport holiday upang tuluyan nang ibasura ng pamahalaan ang naturang plano.
Paniniwala aniya ng grupo, kung hindi man matuloy sa 2016 ang jeepney phaseout, posibleng ituloy pa rin ito sa mga susunod na taon.
Giit ng grupo, lalong maghihirap ang mga jeepney driver at operator kung isasagawa ng pamahalaan ang balakin.
Balak ng grupo na simulant ang protesta dakong alas 7:00 ng umaga sa pamamagitan ng tigil-pasada at programa sa harap ng LTFRB Central Visayas office.
Una rito, inihayag ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON na maglulunsad sila ng kilos protesta sa Metro Manila bukas, bilang protesta sa balaking phaseout ng mga lumang jeepney ng LTFRB.