Mariing itinanggi ni Vice President Leni Robredo na kakilala niya si Joemel Advincula, alias “Bikoy”.
Kasabay ito ng pagtanggi rin ng opisyal na kasama siya sa anumang plano ng pagpapabagsak sa kasalukuyang administrasyon.
Ito ang naging tugon ng opisyal sa mga ibinunyag kaninang umaga ni Advincula tungkol sa plano ng oposisyon na alisin sa pwesto ang pangulo.
Sinabi ni Advincula na sakaling matanggal si Duterte ay si Robredo ang papalit bilang pangulo at kukunin naman niya bilang vice president si Sen. Antonio Trillanes.
Target umanong gawin ang nasabing hakbang bago ang June 30 kung kailan naman matatapos ang termino ni Trillanes bilang senador.
“Ang Presidency, destiny ‘yun. Hindi siya napa-plano, hindi siya napa-plot, kasi kung para sa iyo, ibibigay ‘yun. Waste of time ‘yung pagpapalano para pabagsakin ang administration. Besides, it (getting involved in an ouster plot) is a subversion of the will of the people,” ayon kay Robredo.
Sinabi rin ng pangalawang pangulo na kailanman ay walang naging pulong ang Liberal Party at ang mga naging kandidato ng Otso Diretso sa Ateneo.
Taliwas ito sa sinabi ni Advincula na nakita niya si Robredo sa nasabing lugar habang kasama siya sa ilang mga pulong hingil sa pagpapabagsak sa pamahalaan.
Sinabi rin ni Robredo na hindi credible witness at hindi dapat paniwalaan ang mga naging pahayag ni alias Bikoy.