De Lima ikinatuwa ang pagsasabatas sa 4Ps

Nagpahayag ng kasiyahan si Sen. Leila de Lima sa paglagda ng pangulo sa RA 11310 na ganap nang nagsasabatas sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Layon ng batas na gawing national anti-poverty program ang 4Ps kung saan pagkakalooban ng conditional cash grants ang pinakamahihirap na pamilya.

Si De Lima na chairman ng Senate committee on social justice, welfare and rural development ang principal sponsor at author ng batas.

Ayon sa senadora, ang pagpapalawak at pagsasabatas sa 4Ps ay isang tagumpay.

Magbibigay anya ito ng pagkakataon sa mahihirap na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.

“Lubos tayong nagpapasalamat sa pagiging ganap nang batas ng isinusulong nating pagpapatibay at pagpapalawak sa serbisyong hatid ng 4Ps. Tagumpay po ito, lalo na ng mga mahihirap nating kababayan na mabibigyan na ng higit na pagkakataong maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay,” ani De Lima.

Sa ilalim ng batas ay makatatanggap ang bawat mahirap na pamilya ng P300 hanggang P700 kada buwan depende sa antas ng batang nag-aaral sa pamilya.

Hiwalay pa rito ang P750 ayuda para sa kondisyong pangkalusugan ng mga bata.

Read more...