Manila Water, patuloy ang aksyon para suportahan ang operasyon ng mga DOH hospitals

Patuloy ang Manila water sa pagsasagawa ng mga teknikal na solusyon upang siguraduhing sapat ang water supply na gagamitin ng mga pasyente sa limang pampublikong ospital na lubhang naapektuhan ng water shortage sa East Zone ng Metro Manila.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakikipagtulungan na ang Department of Health (DOH) sa Manila Water upang i-monitor ang water supply ng mga nasabing ospital at siguraduhing hindi ito mawawalan ng tubig.

“Nangako ang Manila water na bibigyan nila ng buong atensyon ang pagsasaawa ng mga network adjustments at iba pang teknikal na solusyon upang maibalik sa normal ang water supply at hindi maantala ang aming serbisyo dahil buhay ng mga pasyente ang nakasalalay dito,” dagdag ni Secretary Duque III.

Kabilang sa mga naapektuhang ospital sa Metro Manila ang Philippine Heart Center (PHC), National Kidney Transplant and Institute (NKTI), East Avenue Medical Center (EAMC), Lung Center of the Philippines, at National Children Hospital sa Quezon City, pati na rin ang Rizal Medical Center sa Pasig City.

Nagkabit na rin ang Manila Water ng dalawang (2) line boosters sa NKTI at tig-isa (1) naman sa PHC at EAMC upang pansamantalang palakasin ang water pressure habang wala pang mga bagong water sources na makakatugon dito.

Sa gitna ng naranasang malawakang mga service interruption noong Marso, binigyang prayoridad ng konsesyunaryo na magkaroon ng sapat na imbak ng tubig ang mga ospital na nabanggit sa pamamagitan ng patuloy na pagpupuno ng mga cisterns nito.

Ngayong Mayo 20, ang water availability rate ay nananatili sa 99%, kung saan ang mga kabahayan sa Metro Manila ay nakararanas ng water supply sa ground floor level sa loob ng 24/7 na nasa 7 psi (pound per square inch) na pressure, habang patuloy na kumukuha ng treated water ang konsesyunaryo sa Cardona Treatment Plant, deepwells at cross-border flow mula sa Maynilad.

Ang 24/7/7 na ‘service obligation’ ay naayon sa mandato ng Concession Agreement ng Manila Water sa gobyerno.

 

Read more...