Nangako si Transportation Secretary Arthur Tugade na papanagutin ang mga indibidwal na mapatutunayang nagkulang kung kaya’t nangyari ang banggaan ng dalawang LRT-2 trains sa pagitan ng Cubao at Anonas Stations Sabado ng gabi.
Sabi ng kalihim, nais niyang marinig ang malinaw na dahilan ng sakuna na ikinasugat ng ilang pasahero.
Ayon sa kalihim, gusto niyang alamin at sabihin sa kanya ng diretsahan kung ang nangyaring aksidente ay dahil sa kapabayaan.
Nagbanta ang kalihim na hahabulin niya at uusigin ang may sala.
Una nang binuo ang fact-finding committee ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Reynaldo Berroya para malaman ang sanhi ng banggaan ng dalawang trains na ikinasugat ng tatlumpung pasahero at apat na LRT-2 personnel.
Sa gitna nang pangyayari, sinabi ni Tugade na dapat muling balikan ang mga polisiya at pamamaraan sa pag-operate ng LRT-2.
Siniseryoso aniya ng DOTr at ng LRTA ang naturang pangyayari at ginagawa na ang lahat ng paraan para hindi na maulit pa ang naganap na aksidente.