Sinabi ni Alvarez na gagawin niya ang kanyang makakaya para makuha ang suporta ni Mayor Sara.
Matatandaan na napatalsik bilang speaker ang kongresista noong Hulyo 23, 2018 na mismong araw ng SONA ni Pangulong Duterte at pinalitan siya ni Pampanga Rep. at ngayon ay Speaker Gloria Arroyo.
Sinasabing si Sara Duterte ang nasa likod ng pagpapatalsik kay Alvarez at pagluluklok kay Arroyo bilang speaker.
Tumanggi naman si Alvarez na pag-usapan ang nangyaring pagpapatalsik sa kanya sa puwesto noong nakaraang taon.
Iginiit naman niya ang intensiyon na tumakbong speaker para makatulong sa administrasyon sa pagsusulong ng legislative agenda ni Pangulong Duterte sa nalalabi niyang tatlong taon na termino.
Tiwala naman ang kongresista na makukuha rin niya ang suporta ng kanyang mga kasamang kongresista sa kabila ng inaasahang makakalaban niya sa speakership sina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Aminado naman si Alvarez na lahat ng kanyang mga makakalaban ay magagaling at malalakas.