Magpapadala ang Pilipinas ng isang pares ng critically endangered na Philippine Eagle sa Singapore sa susunod na buwan para i-breed.
Ito ay bilang bahagi ng Philippine Eagle loan deal ng Pilipinas sa Wildlife Reserves Singapore (WRS).
Layon ng loan agreement na maitaas ang populasyon ng Philippine Eagles.
Ayon kay Philippine Eagle Foundation executive director Dennis Salvador, makatutulong ang hakbang na ito para maprotektahan ang Philippine eagle sa banta ng mga sakit at kalamidad.
Ang pares ng mga agila ay sina Geothermica ang lalaking eagle, 15 anyos at Sambisig ang babaeng eagle, 17 anyos.
Nilinaw naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pagmamay-ari pa rin ng Pilipinas sina Geothermica at Sambisig.
Obligado ang Singapore na magpadala ng taunang ulat tungkol sa kalagayan ng dalawa.
Positibo ang PEF na makakabuo ng anak ang dalawang agila.
Ito ang unang beses na magpapahiram ng Philippine eagles ang Pilipinas sa ibang bansa.