Pulis na kasama sa narco list ni Pangulong Duterte, patay sa Cebu City

Patay ang isang pulis na kabilang sa narco list ni Pangulong Duterte matapos mabaril habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Barangay Mabolo, Cebu city, Martes ng hapon.

Kinilala ang napaslang na si Lt. Delfin Bontuyan na nabaril ilang metro ang layo mula sa Cebu City Hall of Justice ng apat na armadong lalaking sakay ng motorsiklo kaninang 2:00 ng hapon.

Si Bontuyan, 55-anyos, residente ng Tamlaban, Cebu City ay nagtamo ng tama ng baril sa ulo, batok, at likod.

Ayon naman sa mga imbestigador, nanggaling si Bontuyan sa isang drug case hearing kung saan siya ay isang complainant.

Nagsilbi si Bontuyan bilang opisyal ng CIDG-7 sa Central Visayas at noong 2016 ay nalipat sa Cordillera Autonomous Region (CAR) matapos pangalanan na isang narco policeman ni Pangulong Duterte.

Muling nilipat si Bontuyan sa Jolo kung saan siya nagsilbi bilang hepe ng isang police station.

Nagbalik lamang ang biktima sa Cebu upang magpunta sa court hearing.

Noong eleksyon naman, ang anak ni Bontuyan na si Christine, SK Chairperson sa Talamba, ay hinarass umano ng pulisya.

Read more...