Iniimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) si dating National Youth Commission (NYC) chairman Ronald cardema.
Ito ay matapos mapag-alaman ng Palasyo ng Malakanyang na nag-preside pa si Cardema ng meeting sa NYC noong May 15 sa kabila ng paghahain ng certificate of substitution bilang nominee ng Duterte Youth Partylist group noong May 12.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, inaaral na ni Justice Secretary Menardo Guevarra kung anong kaso ang posibleng isampa kay Cardema gaya halimbwa ng usurpation of authority.
Kapag kasi aniya naghain na ng certificate of substitution ang isang opisyal ng gobyerno, dapat ikunsidera nang resigned sa kaniyang pwesto.
Ayon kay Panelo, nakatanggap siya ng text message na nagsagawa ng meeting si Cardema.
Kahit na supporter pa aniya si Cardema ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi ito kukunsintihin ng Malakanyang dahil malinaw na mali ang ginawa ng dating pinuno ng NYC.