Antas ng tubig sa Angat dam at La Mesa dam nananatili sa low level

Nananatiling mababa kumpara sa minimum operating level ang water level sa Angat at La Mesa dam.

Sa update mula sa PAGASA Hyrdrology Division, alas 6:00 ng umaga ng Martes (May 21) nasa 172.10 meters na lang ang water level ng Angat dam mas mababa sa minimum operating level nito na 180 meters.

Habang ang La Mesa dam ay nasa 68.49 meters ang water level mababa din sa critical level na 69 meters at sa normal operating level na 78 to 79 meters.

Bagaman nakaranas ng pag-ulan nitong nagdaang mga araw, hindi ito nakatulong para tumaas o madagdagan ang water level sa mga dam at sa halip ay patuloy pa ring nababawasan ang antas ng tubig.

Magugunitang ang mababang water level sa La Mesa dam ang naging dahilan ng naranasang krisis sa sa suplay ng tubig ng Manila Water noong Marso.

Ayon sa mga eksperto, dahil sa patuloy na paglobo ng populasyon sa Metro Manila at limitadong water sources ay kakapusin talaga ang suplay ng tubig.

Sa ngayon, walang ibang pinagkukuhanan ng tubig ang Maynilad at Manila Water kundi ang Angat at La Mesa dams at ito ang dinadala sa mga consumer sa Metro Manila at sa ilang lalawigan na kanilang sineserbisyuhan.

Simula noong taong 1997 ay nananatili sa 1.6 billion liters ng tubig ang nakukuhang tubig ng Manila Water sa Angat Dam. Habang ang Maynilad naman ay 2.4 billion liters of water per day ang kanilang nakukuha.

Bagaman unti-unti nang naibalik ng Manila Water ang suplay ng tubig sa mga lugar na naapektuhan ng water crisis, may mga lugar pa rin na mahina ang water pressure kaya sa ground floor lamang ng mga bahay may tubig.

Samantala, ang water treatment plant ng Manila Water sa Cardona, Rizal ay nakapagsu-suplay naman na ng 50 hanggang 55 million liters ng tubig kada araw sa mga barangay sa Binangonan, Angono, Taytay, Baras at Jala-Jala sa Rizal.

Sa mga susunod na buwan ay maari na ring masuplayan ang iba pang lugar sa Rizal galing sa nasabing treatment plant.

May mga deep wells din na nakapagbibigay ng 36 MLD; samantala ang pangakong tulong ng Maynilad na 50 MLD ay nakakuha na ang Manila Water ng ng 18 MLD.

Hindi pa naman tiyak kung kailan maibibigay ng Maynilad ang natitira sa pangakong tulong na tubig sa Manila Water.

Samantala, maraming lugar na sa Mandaluyong City ang nakikinabang sa line boosters ng Manila Water.

Ang mga line boosters ay nasa Acacia Lane, Addition Hills, Boni Avenue, A. Luna at Kawilihan Village at pinakikinabangan ngayon ng nasa 15,000 residente.

Habang wala pa ang long term solution sa suplay ng tubig ay pinapayuhan ang mga residente na maging matalino sa paggamit ng tubig.

Read more...