Itinakda na ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ng winning senators at party-list groups ng May 13 midterm elections.
Ayon kay Comelec Education and Information Department Assistant Director Frances Arabe, ang ‘tentative’ na petsa ng proklamasyon ng mga nanalong senador ay mamayang gabi na habang bukas naman ng gabi ang sa party-list groups.
Paliwanag ni Arabe, sakaling matapos ang canvassing ng Comelec na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) mamayang alas-12:00 ng tanghali, tuloy na tuloy na ang proklamasyon ng winning senators.
Hinihintay na lamang anya ng Comelec ang certificates of canvass (COC) mula sa US at Saudi Arabia na may 550,000 votes.
Inaasahan anyang darating ang COCs mula US at Saudi Arabia ngayong umaga.
Samantala, sinabi ni Arabe na kaya inilipat ang proklamasyon ng party-list groups ng Miyerkules ng gabi ay dahil may sesyon pa rin ang NBOC hanggang mamayang tanghali.
Hanggang gabi ng Lunes ay 165 na ng kabuuang 167 COCs ang nabilang ng Comelec-NBOC.