Isang kilos protesta ang isasagawa bukas ng grupong Piston sa Elliptical Road, Quezon City.
Ayon kay George San Mateo, National President ng Piston, alas 7:00 ng umaga magsisimula ang transport caravan mula Quezon City patungo ng Espana, Manila.
Pagdating sa Espana, magmamartsa umano ang mga drayber patungong Mendiola.
Sinabi ni San Mateo na ang pag-phase out sa mga jeepney ay masaker sa kabuhayan ng 600,000 na drayber at 250,000 operators sa buong bansa.
Libu-libo aniyang drayber at operator ang mawawalan ng hanap-buhay kapag ipinatupad ng gobyernong Aquino ang phase out.
Idinagdag pa ni San Mateo na milyun-milyong pasahero na umaasa sa mga jeep ang mahihirapan na makapasok sa kanilang mga trabaho, eskwelahan at iba pang patutunguhan.
Iginiit pa ni San Mateo na hindi modernisasyon kundi korporatisasyon ng mga jeep ang pakay ng gobyerno sa likod ng phase out.