Determinado si Senator Sherwin Gatchalian na maisabatas na ang panukalang madagdagan ang buwis sa mga produktong tabako.
Kasabay ito nang pagsugod ng mga doktor at health advocates sa Senado para hilingin ang pagpasa na ng tobacco tax increase proposals.
May photo exhibit din sa loob ng Senado kung saan ipinapakita ang masasamang epekto ng paninigarilyo lalo na sa kalusugan.
Dito ay naibahagi ni Gatchalian ang latest health findings sa kaniya at aniya walang nakitang isyu sa kaniyang pangangatawan at kalusugan dahil wala siyang bisyo simula pagkabata.
Sinusuportahan ng senador ang pagtaas ng buwis sa tabako dahil sa patuloy ng pagdami ng mga naninigarilyo.
Aniya, umaabot na sa P210 bilyon ang nagagastos ng gobyerno sa mga sakit bunga ng paninigarilyo ngunit P100 bilyon lang ang koleksyon sa Sin Tax Law.
Nais ni Gatchalian na itaas sa P70 ang buwis sa bawat kaha ng sigarilyo, P90 naman kay Sen. JV Ejercito at P60 naman ang nais madagdag ni Sen. Manny Pacquiao.
Aniya, layon lang naman nila na maiwasan na ang bisyo na nakakasama sa kalusugan.