Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni MMDA Edsa traffic czar Col. Bong Nebrija na bagamat hindi na nakonsulta ang mga pasahero sa nasabing hakbang, batid nilang gusto ng karamihan na alisin na ang biyahe ng mga provincial bus sa Edsa.
Iginiit ni Nebrija na nagsagawa naman sila ng konsultasyon sa mga operator ng mga provincial bus.
Ipinagmalaki naman ni Engr. Emilio llavor, chief ng MMDA Planning and Design Division na bumilis nang 24 porsyento ang biyahe sa Edsa noong magsagawa sila ng dry run ng pagbabawal ng provincial bus.
Sinabi ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, ang naghain ng resolusyon na magkaroon ng pagdinig ngayon, ang isinagawang dry-run ng MMDA na ipagbawal ang provincial bus sa Edsa ay nagkaroon ng dagdag na P13 sa pamasahe ng mga pasahero mula Cavite.
Ang dati aniyang P76 na kalimitang pasahe ng mga commuter at P12 na pamasahe sa tricycle, madaragdagan ito ng P13 para sa sasakyan nilang jeep o kaya bus na patungo at paalis ng integrated bus terminal sa Parañaque.