Pangulong Duterte, hindi makikiaalam sa pagpili ng bagong House speaker

Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na pakialaman ang pagpili ng mga kongresista ng bagong speaker sa Kamara.

Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ni PDP-Laban president at senador Aquilino “Koko” Pimentel III na kumpiyansa ang kanilang hanay na makukuha nila ngayon ang House speakership.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, wala sa karakter ng pangulo na pakialaamn ang trabaho ng sangay ng lehislatura maging sa pagpili ng kanilang lider.

Hindi naman aniya kahiya-hiya sa PDP-Laban kung hindi manggagaling sa kanilang hanay ang bagong speaker.

Ayon kay Panelo, mahalaga kay Pangulong Duterte na tuparin ng mga nahalal na opisyal ang kanilang tungkulin lalo’t sila ay mga government worker.

Dapat din aniyang tiyakin ng mga nahalal na opisyal na gawin ang nararapat at tiyaking pabor sa taong bayan at sa bansa.

“Kasi Presidente nga, since he’s not interfering with the functions of both Houses. Kasi as far as the President is concerned: Hinalal kayo diyan, alam ninyo naman iyong mga tungkulin ninyo. Tayong lahat ay mga workers of the government, dapat palagi ang lahat ng gagawin natin, pabor sa mga kababayan natin at sa ating bansa,” pahayag ni Panelo.

Ibang usapan naman aniya kung susuportahan pa ni Pangulong Duterte si Congressman Pantaleon Alvarez sakaling tumakbong muli bilang speaker.

“Hindi natin alam kasi ibang usapan na iyong Speakership fight, it’s among themselves,” ani Panelo.

Matatandaang na-impeach si Alvarez noong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte noong Hulyo ng nakaraang taon matapos makaalitan ang anak ng punong ehekutibo na si Davao City Mayor Sara Duterte at mapalitan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Bukod kay Alvarez, matunog din ang pangalan nina Pampanga Cong. Aurelio Gonzales, Marinduque Congressman Lord Allan Velasco, incoming Leyte Cong. Martin Romualdez na maaring sumunod na speaker.

Read more...