Hinimok ni House Assistant Majority Leader Bernadette Herrera-Dy ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ng full disclosure o transparency kaugnay sa insidente ng banggaan sa pagitan ng dalawang tren ng LRT-2.
Ayon kay Herrera-Dy, kailangang maisapubliko ang raw footages mula sa CCTV pati na ang incident reports ng LRT Line 2 upang matukoy ang safety measures na pumalpak.
Kinuwestyon din ng kongresista kung paano umandar ang under-repair na tren at bakit hindi agad ito napigilan bago bumangga sa tren na lumampas na sa Araneta-Cubao station.
Sa pagsisimula aniya ng pormal na imbestigasyon ng LRTA ay inaasahan nilang magkakaroon ng pananagutan sa pangyayari lalo’t hindi bababa sa 30 pasahero ang nasugatan.
Ito ang unang insidenteng naitala sa LRT-2 mula nang maging operational ito noong taong 2003 kaya itinuring ng mga awtoridad bilang isolated case.