Ayon sa Commission on Elections (Comelec) kapag natapos na ngayong araw ang cavassing, bukas, araw ng Martes (May 21) ay maisasagawa na nila ang proklamasyon sa mga nanalong senador at sa mga nominado ng party-list groups kinatawan na makakakuha ng seats sa kamara.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na iilan na lamang ang hinihintay na resulta para mabilang ng National Board of Canvassers (NBOC).
Ani Jimenez, ang nalalabing mga certificate of canvass na bibilangin ngayong araw ng Lunes, May 20 ay maari pang makaapekto sa bilang ng boto sa mga nasa ibabang pwesto.
Nasa halos 600,000 pa kasi ang bilang ng botong kailangang i-canvass ng NBOC.
Ani Jimenez, magkakadikit kasi halos ang pwesto ng mga senatoriable na nasa babang pwesto.
Sa huling datos mula sa NBOC, as of 7:20 ng gabi ng Linggo, May 19, ang nasa 12th spot na si Senator Nancy Binay ay mayroong boto na 14,065,071 habang si Sen. JV Ejercity na nasa nasa 13th spot ay may boto na 13,983,153.
Kabuuang 81,918 lang ang lamang ni Binay kay Ejercito.