Tourist bus malapit sa Giza Pyramids sa Egypt, pinasabugan; 17 sugatan

AP Photo

Sugatan ang hindi bababa sa 17 katao na karamihan ay mga turista matapos ang pagsabog na naganap sa Giza Pyramids sa Egypt, araw ng Linggo.

Ayon sa Egyptian officials, sakay ang mga biktima ng isang tourist bus na patungo sana sa ginagawang Grand Egyptian Museum.

Hindi pa bukas ang naturang museum sa mga turista.

Ang pag-atake ay naganap sa gitna ng pag-ahon pa lamang ng tourism industry ng bansa matapos ang ilang taong sigalot sa pulitika at karahasan mula noong 2011.

Bukod sa tourist bus, nasira rin ng pagsabog ang windshield ng isang kotse.

Samantala, ayon kay Atif Moftah, general supervisor ng Grand Egyptian Museum, maswerteng hindi nagdulot ng pinsala sa museum ang pagsabog.

Wala pang grupo na umaako ng responsibilidad sa pagsabog.

Ito na ang ikalawang insidente ng pag-atake sa mga banyagang turista malapit sa Giza Pyramids sa loob lamang ng anim na buwan.

Read more...