LRTA iniimbestigahan ang salpukan ng 2 tren ng LRT-2; bilang ng nasugatan umabot sa 31

Credit: Ahya Lopez

Iniimbestigahan ng isang fact-finding committee ang salpukan ng 2 tren ng LRT-2 sa pagitan ng Cubao at Anonas Stations na ikinasugat ng 31 pasahero Sabado ng gabi.

Sa press conference nina LRTA Administrator Reynaldo Berroya at LRTA Spokesman Hernando Cabrera, kinumpirma nila ang naganap na banggaan ng 2 tren ng LRT-2.

Humingi ng paumanhin ang LRTA sa mga nasugatan sa aksidente gayundin sa nakatakdang maapektuhang mga pasahero dahil posibleng mabawasan ang masasakyang tren.

Pilipitin umano ng ahensya na agad maayos ang nasirang mga tren para muling magamit sa Lunes habang ang operasyon ng LRT-2 ay nananatiling suspendido hanggang Linggo ng umaga.

Paliwanag ni Berroya, nakahimpil ang train set No. 13 sa pagitan ng nasabing 2 istasyon pero nag-wayward anya ang tren at biglang pumasok sa dadaanan sana ng train set No. 18 na papuntang Santolan.

Sinabi naman ni Cabrera na mayroong pocket track na parang emergency bay na isang lugar para sa sirang tren.

Ang tren anya na sira ay nasa pocket track sa pagitan ng Anonas at Cubao stations pero sa hindi pa malamang dahilan ay gumalaw ang sira o tinatawag na “dead train” at bumangga sa isang bumibyaheng tren na paparating sa lugar.

Tiniyak naman ng LRTA na sasagutin nila ang gastos ng mga sugatang pasahero na dinala sa mga ospital.

Samantala, pumunta si Transportation Sec.  Arthur Tugade sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center at nakausap nito ang ilan sa mga nasaktang pasahero.

Read more...