Pangulong Aquino, minsan ding ninais manatiling pinuno ng bansa

pnoy-aquinoAminado si Pangulong Benigno Aquino III na minsan nang sumagi sa isip niya ang pagnanais na manatiling pinuno ng bansa, kahit lampas na sa kaniyang termino.

Ayon sa Pangulo, kung papayagan lamang ng Konstitusyon, nais niya sanang manatili pa ng mga ilang taon o kaya isa pang termino upang masaksihan naman niya ang matagumpay na pagsasakatuparan ng mga proyektong inumpisahan niya.

Marami pa kasing proyekto ang hindi pa matatapos oras na bumaba na siya sa pwesto dahil kauumpisa pa lamang ng iba.

Aniya, nais niyang pasinayaan ang inagurasyon ng SLEX-NLEX connectors, pati na rin ang maranasang makasakay sa MRT na mayroong mas maraming bagon, at na matiyak na maging maganda ang resulta ng Conditional Cash Transfer program.

Ngunit ani Pangulo, bukod sa hindi ito uubra sa batas, hindi niya lubos maisip kung ano ang magiging reaksyon ng kaniyang mga kapatid at pamangkin kung sakali man na mag-eextend pa siya ng termino.

Gayunman, tiwala naman siya na sapat na ang pagsasanay niya sa napili niyang mag-mana ng kaniyang posisyon na si Liberal Party standard bearer Mar Roxas para maging isang mabuting pinuno ng bansa.

Dagdag pa niya, walang sinuman ang dapat humiling na manatili sa pwesto habambuhay.

Read more...