Iginiit ng isang election official na hindi dapat bayaran ng buo ang supplier ng sablay na secure data (SD) cards na ginamit sa katatapos na halalan.
Sa kanyang sariling opinion, sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na ang mga palpak na SD cards ang naging dahilan kaya sumablay ang operasyon ng may 961 na mga vote counting machines.
Napag-alaman na ang joint venture ng S-1 Technologies at Silicon Valley Computer ang nakakuha ng kontrata para mag-suplay ng mga SD cards na ginamit sa halalan.
Ang nasabing kontrata ay nagkakahalaga ng P22 million na higit na mas mura kumpara sa inaprubahang pondo na P79 million.
Bagaman mura, hindi naman maganda ang kalidad ng mga SD cards ayon pa sa opisyal.
Sa paunang imbestigasyon ng mga election officials ay kanilang sinabi na ang mga mahinang klase ng SD cards at mga lumang vote counting machines ang nagresulta sa ilang technical glitches sa eleksyon.
Sinabi pa ng Comelec na umabot sa 1,665 SD cards ang nagkaroon ng aberya sa halalan noong Lunes at ang bilang na ito ay mataas kumpara sa 120 lamang na napaulat noong 2016 elections.
Ipinaliwanag rin ni Guanzon na ang umiiral na procurement law ang siyang dahilan kaya mas binibili ng ilang opisyal ng pamahalaan ang mas murang klase ng mga kagamitan.