Nasa 580,000 piraso ng illegal campaign posters nakolekta ng NCRPO

Umabot sa higit-kumulang 580,000 na illegal campaign posters ang nakolekta ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) hanggang sa pagtatapos ng campaign period noong Sabado.

Ayon kay NCRPO chief Police Major General Guillermo Eleazar, 70 percent ng campaign materials na ito ay mula lamang sa Quezon City.

Tiniyak ng police official na naidokumento nang maayos ang posters at ipinagbigay alam ito sa Commission on Elections (Comelec) para sa kaukulang aksyon.

Ang paglalagay ng campaign posters sa labas ng designated areas na itinakda ng Comelec ay paglabag sa election law.

Sa kabila nito, wala umanong kandidato na may illegal campaign posters ang nakipag-ugnayan sa mga pulis kaugnay ng kanilang paglabag.

Dahil dito, ipinauubaya na ng NCRPO sa Comelec ang paggawa ng aksyon laban sa mga pasaway na kandidato.

Samantala, nakatakdang i-turn over sa waste management department ng bawat lungsod ang tone-toneladang mga campaign posters para sa posibilidad ng pagrecycle sa mga ito.

Read more...