Ito ang ibinunyag ng legal team ng Hugpong ng Pagbabago – Zamboanga del Norte chapter.
Ayon kina Stephen Cascolan at Al May Patangan, kapwa abogado at miyembro ng legal team ng HNP, ang bilihan ng boto ay nangyari na sa Dipolog City, Dapitan City at sa mga bayan ng Pinan, Katipunan at President Roxas.
Anila ang mga insidente ng vote buying ang nagtulak sa kanila para suportahan ang binuong Task Force Kontra Bigay ng Comelec base na rin sa nais ni Bullet Jalosjos, ang provincial chairman ng HNP sa Zamboanga del Norte.
Paliwanag ng dalawang abogado, hinihikayat nila ang mga magiging biktima ng vote buying na maghain ng pormal na reklamo at huwag mag atubili na magsumbong sa PNP, NBI at magpatulong na rin sa Integrated Bar of the Philippines.
Dagdag pa nina Cascolan at Patangan mangangalap na rin ang kanilang grupo ng mga ebidensiya para makatulong sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
Ang mahigpit na kalaban ni Jalosjos sa pagka-gobernador ng lalawigan ay si incumbent Gov. Robert Uy.