Ayon sa isang barangay chairman ng nasabing distrito, namahagi ang kampo ni Cabredo ng P500 bawat botante upang makuha ang kanyang suporta sa May 23, 2019 midterm elections.
“Inalok din ako ng kampo ni Cabredo ng malaking halaga. Hindi ko tinanggihan. Ang sagot ko lang sa kanila ay unahin ninyo ang mga tao sa aking nasasakupan,” pagbubunyag ng barangay chairman na nakiusap na huwag banggitin ang kanyang pangalan.
Si Cabredo ay nahaharap sa isang disqualification case sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa lalawigan ng Albay.
Batay sa reklamo, si Cabredo ay hindi kuwalipikadong tumakbo sa 3rd District ng Albay sapagkat siya’y bumoto noong Oktubre 2018 barangay election sa 1st District kaya hindi pa residente ng 3rd distrito.
“Kailangang ideklara ng Comelec na disqualified si Cabredo sapagkat hindi siya residente ng District 3,” giit ng barangay chairman.
Ayon sa barangay chairman, pera-pera ang labanan sa Albay at dito kumakapit ang mahihirap at walang hanapbuhay.
Una nang bumuo ng Task Force para sa Anti Vote-Buying ang Commission on Elections (Comelec) na layong bantayan at tuluyan mapanagot ang mga lumalabag sa election law.
Si Comelec Commissioner Al Parreño naman ang itinalagang pinuno ng Task Force habang vice chairman naman si Commissioner Antonio T. Kho.
Una na ring nagbabala ang Comelec na paparusahan ang sinumang mapapatunayang tumangap ng pera mula sa vote-buying pero bibigyan sila ng “immunity” kung isusumbong nila ang nag-alok sa kanila ng pera.
Ayon sa Comelec, maaaring idulog sa lokal na korte o kaya sa Comelec ang mga masasangkot sa vote-buying.
Diskuwalipikasyon sa pagtakbo, pagboto, o pagkakakulong na mula isa hanggang anim na taon ang parusa sa vote-buying.