Ang suspension order ay isinilbi sa tanggapan ni Rama nina DILG Central Visayas Regional Director Rene Burdeos kasama ang isang Regional legal officer ng ahensya.
Wala pa sa kaniyang tanggapan si Rama at hindi pa nakakabalik ng bansa matapos dumalo sa 21st Conference of the Parties (COP21) Framework Convention on Climate Change sa Paris, France.
Dahil dito, ipinaskil na lamang sa pintuan ng opisina ni Rama ang suspension order na pirmado ni Executive Sec. Paquito Ochoa Jr.
Si Cebu City Vice Mayor Edgar Labella naman na wala rin sa kaniyang tanggapan ay inaatasang mag-assume bilang acting mayor ng lungsod.
Ang nasabing suspensyon kay Rama ay may kaugnayan sa reklamong paglabag nito sa konstitusyon, grave abuse of authority, grave misconduct, at oppression.
Sa inihaing reklamo ni Barangay Captain Victor Buendia ng Labangon, Cebu City, ipinag-utos umano ni Rama sa Prevention, Restoration, Order, Beautification and Enhancement (PROBE) team ang pag-demolish sa center island at street lighting project ng Barangay Labangon sa bahagi ng Katipunan Street noong buwan ng Marso.
Ayon sa pinuno ng PROBE na si Raquel Arce sumunod lamang sila sa kautusan nang sirain ang ang mga hollow blocks sa center island dahil delikado ito sa mga motorista.
Sinabi naman ni Rama na sa isinagawa niyang inspeksyon sa proyekto, nakita nilang hindi akma sa nasabing kalsada ang paglalagay ng center island.
Ayon kay Buendia ang nasabing proyekto na nagkakahalaga ng P300,000 nay dumaan sa approval ni Rama bago maitayo.