Regular white taxi bawal muna sa NAIA T1 dahil sa ‘pang-aabuso’ ng ilang drivers

Nagdesisyon ang Manila International Airport Authority (MIAA) na ipagbawal muna ang mga regular white taxi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ito ay kasunod ng pagdami ng insidente ng umano’y pang-aabuso ng ilang drivers ng white taxi sa mga pasahero galing sa airport.

Ang Austrians na nakilalang sina Mike at Nelly ay nagkwento sa pamamagitan ng kanilang vlog sa YouTube ng naranasan nilang pang-aabuso ng isang driver.

Pinilit umano sila nito na magdagdag ng bayad dahil mabigat ang kanilang mga bagahe.

Pero tumanggi ang dalawa dahil madalas silang nasa Pilipinas at alam nila ang singilan ng taxi.

Dahil dito, tinangka umano ng driver na nakilalang si Jhumil Bule na saktan si Mike.

Hinuli na kahapon (May 8) si Bule at pinatatanggalan na ito ng MIAA ng lisensya sa Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, sinimulan ang pagpapatanggal sa white taxis sa Terminal 1 noong Lunes at wala pa silang natatanggap na reklamo sa ngayon ukol sa mga abusadong driver.

Dahil dito, plano na ring ipatupad ang kautusan sa Terminal 2 at 4 sakaling maging matagumpay ito matapos ang dalawang linggo.

Payo ng MIAA, gumamit muna ng yellow taxi, airport buses, coupon taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS) ang mga pasahero.

Read more...