Ito ay matapos sabihin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nakatanggap ang pangulo ng impormasyon na ang LP, Magdalo, si Lacierda at mga media outfits ay nagsasabwatan para sa ouster plot.
Pero ayon kay Lacierda, tila isang grade school matrix ang inilabas ng Malacañang at hindi ito makatatayo bilang ebidensya.
Posible anyang idinawit siya sa ouster plot dahil lagi niyang inila-like ang Facebook posts ni Magdalo Rep. Gary Alejano na kandidato sa pagkasenador ng oposisyon.
Iginiit ng dating kalihim na wala siyang anumang kinalaman sa Bikoy videos.
Ayon naman kay LP President Sen. Francis Pangilinan, pang-ilang beses nang nag-aakusa ang gobyerno laban sa LP kapag nakukumpronta ng kontrobersiya.
‘This is the nth time that the administration, when confronted with controversy, falsely accuses the LP of being involved in ouster plots. Gawa-gawa lang ‘yan,” ani Pangilinan.
Gawa-gawa lamang anya ang matrix at ang hindi gawa-gawa na dapat ipaliwanag ng administrasyon ay kung bakit hindi mahuli ang mga drug lords at hindi maparusahan ang Customs officials na sangkot sa smuggling ng tone-toneladang shabu.
Ilan na rin sa mga personalidad na idinawit sa matrix tulad nina Hidilyn Diaz at Gretchon Ho ang pinabulaanan ang akusasyon.