Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na maliban sa regular en banc na isinasagawa tuwing Martes, nagdaos sila kahapon ng special en banc session dahil sa dami ng kinakailangang talakayin.
Ayon kay Bautista muli silang magsasagawa ng special en banc session sa Lunes para talakayin ang mga usapin na hindi napagpasyahan kahapon.
Kabilang dito ang isyu ng substitution ni Duterte kay Martin Diño ng PDP-Laban.
Sa ngayon ayon kay Bautista, wala pa sa listahan ng mga kandidato si Duterte dahil reresolbahin pa ang kaniyang inihaing substitution.
Bagaman bahagi aniya ng ‘ministerial duty’ ng poll body na tanggapin ang dokumento na inihain ni Duterte para sa paghalili niya kay Diño, ipinaliwanag ni Bautista na hindi pa naedesisyunan kung tatanggapin ba ng Comelec en banc ang nasabing substitution ng alkalde.
“Si Duterte, siya ang wala pa po sa listahan ngayon, dahil ang pinag-aaralan ay ang pag-substitute, tama ba ang naging proseso, at nasunod baa ng aming proseso sa substitution. Ministerial, tinanggap na po ng Comelec ang papel na inihain for substitution, ang tanong na lamang ay papayagan ba ng Comelec ang substitution,” ayon kay Bautista.