Kapatid ng mayor sa New Corella, Davao del Norte patay sa ambush

Patay sa pamamaril ng riding in tandem ang kapatid ni New Corella, Davao del Norte Mayor Rhodora Alcoran sa Barangay Poblacio, Davao City Lunes ng umaga.

Nasawi si Rogelio Serrano, 44 anyos at nagtrabahong administrative aide sa New Corella municipal government.

Binaril ito sa harap ng New Corella National High School matapos umalis sa kanyang boarding house.

Ayon kay Col. Ferlu Silvio, provincial director ng Davao del Norte Police, nagtamo si Serrano ng tatlong tama ng bala ng baril sa ulo.

Naniniwala si Mayor Alcoran na may halong pulitika ang pagpatay sa kanyang kapatid.

Sa kanyang Facebook posts ay sinabi ng alkalde na dapat ay pinapili na lang siya kung ang kanyang posisyon o ang kanyang kapatid dahil agad umano itong titigil sa pagkandidato para hindi nawala ang kapatid.

Walang pinangalanan ang opisyal pero kinondena nito ang nagplano ng pagpatay sa kapatid na anyay hindi naman aktibo sa kanyang kampanya.

Iniimbestigahan na ng CIDG ang lahat ng posibleng anggulo sa ambush kay Serano kabilang ang pulitika.

Read more...