500% na taas sa real property tax sa Quezon City mariing itinanggi

Inquirer file photo

Nagbabala sa publiko ang isang opisyal ng Quezon City Office of the City Assessor na maging maingat sa maling impormasyon na magkakaroon ng 500 percent increase sa real property tax at property tax ng mga simbahan at informal settler families (ISF) sa Quezon City.

“Definitely, there will not be an increase of 500% in the real property taxes,”ayon kay Quezon City Acting City Assessor Sherry Gonzalvo, kasunod ng maling ulat na tataas nang malaki ang real property tax (RPT) sa lungsod.

Ayon kay Gonzalvo, kasalukuyang suspendido ang implementasyon ng ordinansa na magtataas ng fair market values o Ordinance No. 2556, alinsunod na rin sa desisyon ng Quezon City Council.

Dagdag ni Gonzalvo, sa kabila ng pangangailangang itaas ang fair market values sa Quezon City, sang-ayon siya sa hakbang ng city council na hindi muna ipatupad ang nasabing batas dahil na rin sa pagsipa ng presyo ng ilang bilihin.

“We are mandated every three years to revise our values under the local government code. We received a memorandum from the Commission on Audit telling us that we have to revise our fair market values since they have not been updated in 21 years. There’s also a DILG-DOF (Department of Interior and Local Government-Department of Finance) joint memorandum calling all local government units to revise their values,” paliwanag niya.

Pinabulaanan din ng opisyal ang mga balitang ipapatupad din ang nasabing batas maging sa mga simbahan at informal settlers.

“They say the churches will be taxed. Definitely, churches are not taxable because they are exempted under the local government code,” paglilinaw pa ni Gonzalvo.

Nag-komento rin si Gonzalvo sa kumakalat na pangako ng ilang kandidato na gagawing mahigit 70 percent ang discount sa RPT at sinabing labag ito sa batas dahil hanggang 20 percent lang aniya, ang nakasaad na maaaring ipataw na discount sa nasabing buwis.

Read more...