NEDA: Ekonomiya sa Northern Mindanao mas lumago pa

Inquirer file photo

Lumago ng 7-percent ang ekonomiya ng Northern Mindanao noong 2018 kumpara sa 5.8% noong 2017, ayon sa ulat ng National Economic and Development Authority-Region 10 (NEDA-10).

Malaki ang naiambag ng services sector, na tumaas ng 8.9%, at industriya, na lumago ng 8.8%, sa ekonomiya ng Northern Mindanao.

Ang services sector ay kumakatawan sa 44.1% ng kabuuang ekonomiya, at ang industriya ay bumubuo sa 35.6%.

Bumilis ang paglago ng sektor ng paglilingkod dahil sa transportation, storage, at communication, na umakyat sa 12.8% matapos tumaas ang bilang ng air at sea cargoes, rehistradong sasakyan, cell sites, at internet subscribers.

Nakatulong ang Build Build Build program ni Pangulong Rodrigo Duterte sa patuloy na pag-usbong ng sektor ng industriya sa rehiyon. Base sa tala ng NEDA-10, lumago ng 16.3% ang konstruksyon, at ito ay nangunguna sa lahat ng sektor ng industriya.

Tumaas rin ang manufacturing ng 6.6% noong 2018, kumpara sa 5.5% noong 2017, dahil sa malakas na produksyon ng non-metallic mineral products at beverage.

Sa kabilang dako, humina ang sektor ng agriculture, forestry, at fishing, na bumaba sa 0.4% noong 2018 mula sa 4.7% noong 2017.

Nabigo ang sektor na maabot ang target na 4.0-6.0% dahil sa mahinang produksyon ng palay at mais, na tumaas lamang ng 2.1% at 0.17%.

Bumaba rin ng 33% ang produksyon ng tubo, na isa sa mga pangunahing pananim ng rehiyon.

Samantala, bumaba sa 4.1% ang naitalang inflation rate sa rehiyon noong Marso 2019, mula sa 7.6% noong Oktubre 2018.

Inaasahan ng NEDA-10 na babalik sa normal ang presyo ng bilihin sa mga darating na buwan.

Hinimok ni NEDA-10 Regional Director Mylah Faye Aurora Cariño ang mga lokal na pamahalaan na patuloy na siguraduhin ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon, gayundin ang kaligtasan ng mga mamamayan, para mapanatili ang paglago ng ekonomiya.

Kamakailan lang ay naglunsad ng programa ang Regional Development Council at Regional Peace and Order Council (RPOC) para itaguyod ang kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon sa pamamagitan ng peacebuilding and reconciliation, socio-economic transformation, good governance, and institution building.

Ang nasabing programa ay pinangunahan ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno, na siyang chairperson ng RPOC.

Sa kanyang pahayag, binigyang diin ni Mayor Moreno ang kahalagahan ng kapayapaan para maisulong ang pag-unlad ng ekonomiya, at ito ay karapatan ng bawat mamamayan.

Read more...