Bikoy humarap sa media, nagpasaklolo sa IBP

Inquirer photo/MatthewINQ

Lumantad sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines – National Center for Legal Aid (IBP-NCLA) si “Bikoy” kasama ang ilang mga madre.

Sa kanyang maiksing pahayag, sinabi ni Peter Joemel Advincula na siya ang “Bikoy” na lumantad sa social media sa pamamagitan ng “Ang Totoong Narcolist” video.

Sa kanyang pagharap sa media, sinabi ni Advincula na kasama sa sindikato ng iligal na droga sina Paolo Duterte, dating Sec. Bong Go, Tesoro Go, presidential son in-law na si Maneses Carpio at ang Quadrangle Group na umano’y nakabase sa Bicol region.

Sa kanyang binasang pahayag, sinabi ni Advincula na kailangan niya ng tulong ng mga abogado.

Sinimulan niya ang kanyang kwento sa pagsasabing dati siyang empleyado ng Vita Plus na pag-aari ng First Quadrant multi-level company sa Bicol.

Noong buwan ng Pebrero, 2010 ay inilipat umano siya ng kanyang dating boss na si Tess Rañola sa operation center ng sindikato.

Doon ay naging taga-scan umano siya ng mga tattoo ng ilang kasapi sa sindikato tulad nina Paolo Duterte at Go.

Ipinadadala umano sa Hong Kong ang scanned tattoo para sa monthly tara o lagay sa mga kasapi ng sindikato na hindi naman niya pinangalanan.

Taong 2012 ay nakulong umano siya dahil sa kasong estafa na isinampa ng Vita Plus at nakalaya makaraan ang apat na taon.

Sa kanyang bagong kumpanyang pinapasukan noong 2018 ay naging guest umano si Go sa isang pagtitipon at doon sila nagkita.

Namukhaan umano siya ng dating kalihim at mula noon ay pinag-initan na siya ng kanyang mga boss kaya nagpasya na siyang magtago dahil sa panganib sa kanyang buhay.

Sa kanyang pagharap sa media, mariing itinanggi ni Advincula na kakilala niya si Rodel Jayme at kanyang ipinagdiinan na wala siyang kaugnayan sa sinumang pulitiko.

Read more...