Sinuyod ng mga kandidato ng Otso Diretso ang Quezon City, araw ng Linggo.
Isang campaign sortie ang isinagawa sa Welcome Rotunda sa pangunguna nina Chel Diokno, Samira Gutoc, Romy Macalintal, Erin Tañada habang may mga kinatawan naman sina Gary Alejano, Bam Aquino, Pilo Hilbay, at Mar Roxas.
Matapos ito ay tumungo ang mga kandidato sa Batasan Public Market at General Luis Market sa Novaliches para magpakilala sa mga tindero at tricycle drivers.
Sinundan ito ng pagbisita ng Otso Diretso kay Novaliches Bishop Antonio Tobias sa Visitation of Our Lady Parish.
Dito sila ipinakilala ng obispo at inendorso ang mga kandidato ng oposisyon.
Iginiit ng obispo ang kahalagahan ng pakikiisa ng mga Katoliko sa eleksyon upang makapamili ng mga taong maayos na makakapamahala sa gobyerno.
“Hindi po totoo ‘yung ‘pagka Katoliko ka ay wala kang, dapat ‘di ka involved…. No, that’s wrong, very, very wrong! Ang Santo Papa na ang nagsabi sa isang general audience sa Roma… You have to be involved so that you allow those who can govern to govern properly,” ani Tobias.
Nagbiro pa ang obispo kung bakit otso lang ang mga kandidato ng oposisyon.
Ang Quezon City ay ang may pinakalamalaking bilang ng mga botante sa Metro Manila na may 1,150,342 ayon sa datos ng Commision on Elections noong 2016.