Dagsa ang malalaking personalidad sa burol ni dating House Speaker Prospero Nograles sa Heritage Memorial Park sa Taguig City, Linggo ng gabi.
Isang misa rin ang inalay ng pamilya at mga kaibigan ng namayapang dating house speaker.
Dumalo sa burol sina Solicitor General Jose Calida, Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, Finance Secretary Sonny Dominguez, Satur Ocampo, dating executive secretary Ernesto Ermita, at dating first gentleman Mike Arroyo.
Nakiramay rin si 1973 Miss Universe Margie Moran.
Ikwinento ng anak ni Nograles na si Atty. Margarita Nograles na bago pumanaw ang kanyang ama ay mismong ito pa ang nagbalita ng pagpasa niya sa 2018 bar examinations.
“For him to be the one to tell me the good news… to see that smile and the joy in his eyes, I will never forget it. My heart is full,” ayon sa nakababatang Nograles.
Masaya anya siyang naabutan pa ng kanyang ama ang pagiging ganap niyang abugada.
Sa Martes ay dadalhin ang mga labi ng dating house speaker sa Kamara para sa requiem Mass at necrological services.
Sa kaparehong araw ay dadalhin naman ang mga labi sa Davao City.