Sa 52nd Annual Meeting ng Asian Development Bank (ADB), sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na tumaas ng 7.6 percent o katumbas ng 2.2 milyon ang bilang ng mga turistang dayuhan sa Pilipinas mula Enero hanggang Marso.
Nalagpasan aniya nito ang naitalang 2.05 milyon sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Sa buwan ng Marso pa lamang aniya ay nadagdagan na ng 11.1 percent o 714,309 na dayuhan.
Ayon kay Romulo-Puyat, malaking tulong sa pagtaas ng tourist arrivals sa bansa ang pagbubukas ng maraming direct flights ng Philippine Airlines, Cebu Pacific at Air Asia.
Asahan pa aniya ang mga bubuksang bagong ruta ng mga nasabing airline compay patungo at galing Japan at Australia.
Nananatili namang top source ng turistang dayuhan sa Pilipinas ang South Korea at sinundan ng China, United States, Japan at Australia.
Dagdag pa ng kalihim, ang nasabing tala ay magandang sinyales para maabot ang target na 8.2 milyon sa pagtatapos ng 2019.