“Tsuper Iskolar” program inilunsad ng DOTr sa Davao

DOTr Photo
Inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Davao ang “Tsuper Iskolar” program.

Hindi bababa sa 470 na mga tsuper, kasama ang 280 rebel returnees at 120 miyembro ng Indigenous People (IP) groups, ang dumalo sa paglulunsad ng scholarship program sa Davao region.

Sa tulong ng “Tsuper Iskolar” program, makatatanggap ang mga benepisyaryo ng libreng skills training at social assistance na magbibigay ng karagdagang kaalaman at kakayahan.

Kabilang sa mga maaaring lumahok sa programa ang mga PUV driver, operator at iba pang stakeholder na nagbabalak umalis, magpatuloy, o pumasok sa PUMVP, kasama ang kanilang mga kaanak.

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, layon ng programang bigyan ng iba’t ibang oportunidad ang mga benepisyaryo, lumahok man sila o hindi sa PUVMP.

Nagmula ang “Tsuper Iskolar” Program sa nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) ng DOTr at TESDA noong ika-11 ng Disyembre 2018, na nakapaloob sa Stakeholder Support Mechanism Component ng PUVMP.

Kabilang sa mga libreng kursong handog ng scholarship program ang Driving, Speed Limiter Installation, Fleet Management, Automotive Servicing, at iba pang skills at livelihood training mula sa TESDA.

Upang gawing mas kumportable pa ang kanilang paglahok sa programa, makatatanggap ang mga Tsuper Iskolar ng food at transportation allowance na nagkakahalaga ng PhP350 kada araw para sa kanilang 35-araw na training.

Read more...