Isang Nigerian patay, 7 iba pa naaresto sa operasyon ng NBI sa Cavite

Patay ang isang Nigerian national habang arestado ang pito pa niyang kasamahan nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa sindikatong “catfishing” o “love scam” sa Imus, Cavite.

Iniharap sa media ng NBI ang mga nadakip na sina Kenneth Chuku, Ikenna Dickson Okalla, Chukwuma George Adible, Chiboy Stanley Agbasy, Dim Remedios, Abas Kashmir, at Uba Living.

Napatay naman ang isang suspek Orisakwe Ifeanyi Emmanuel.

Bitbit ang search warrant sinalakay ng NBI anti-cybercrime division ang hideout ng mga susoek matapos madiskubre ang kanilang cybercrime activities.

Sa ginawang raid, tinangka umanong agawin ni Orisakwe ang isang NBI agent at tinangka pang kumuha ng granada kaya ito napatay ng mga otoridad.

Sa “love scam” nakikipag-chat ang mga suspek sa mga babae na kalaunan ay yayayain nilang makipagkita at saka aaluking pumasok sa investment.

Ayon kay NBI cybercrime division operating unit chief Victor Lorenzo, sangkot din ang grupo ng mga dayuhan sa credit card scam, at gumagamit pa ng ilang government agencies para makapanloko hindi lang ng mga taga-Pilipinas kundi maging ang mga nasa ibang bansa.

Nakuha sa operasyon ang anim na laptops, 11 mobile phones, isang skimming device, isang granada, isang 9-milimeter pistol, walong bundle ng pekeng dolyares, blank cards, security strips, sim cards, at credit cards.

Ang mga suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998 in relation to RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, Presidential Decree 1866 at RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions.

Read more...