Pangulong Duterte, 5-araw nang walang official schedule

Simula Lunes (April 29) hanggang ngayong araw ng Biyernes (May 3) ay walang official schedule si Pangulong Rodrigo Duterte.

Limang araw nang hindi nakikita ang pangulo at huling nagpakita ito sa publiko noong Linggo (Apr. 28) kung saan pormal niyang binuksan ang Palarong Pambansa 2019 sa Davao City.

Bago pinangunahan ng pangulo ang opening ng Palarong Pambansa ay nanggaling siya ng China mula April 24 hanggang 28 para sa Second Belt and Road Forum sa Beijing.

Simula noon ay wala nang naging public appearance ang pangulo at wala ding schedule na inilalabas ang Malakanyang.

Kapwa hindi naman sinasagot nina Presidential Spokesperson Salvador Panelo, Executive Secretary Salvador Medialdea, at dating Special Assistant to the President Bong Go ang tanong ng mga mamamahayag kung nasaan ang pangulo.

Kamakailan inamin ng pangulo na siya ay nakararanas ng Buerger’s disease, migraine, at back pain.

Sinabi rin ng pangulo na sumailalim siya sa colonoscopy at endoscopy at mayroon siyang regular na blood tests.

Read more...