PNP at CBCP nagtutulungan para tiyakin ang seguridad ng mga simbahan at mga pari

Nagtutulungan ngayon ang Philippine National Police (PNP) at ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para matiyak ang seguridad ng mga simbahan at mga pari.

Araw ng Huwebes ay pinulong ng PNP ang CBCP tungkol sa security preparations na isinasagawa para sa May 13 national and local elections.

Sa naturang pulong ipinaliwanag din ang pagbabantay sa seguridad para sa mga bahay-dalanginan.

Ayon kay PNP Directorate for Community Relations P/Major Gen. Benigno Durana Jr., isang pari sa bawat diyosesis ang aatasang makipag-ugnayan sa PNP para matiyak ang kaligtasan ng mga simbahan.

Ang hakbang na ito ay inanunsyo ilang linggo pa lang ang nakalilipas matapos ang serye ng mga pag-atake sa mga Simbahan at hotel sa Sri Lanka noong Easter Sunday, April 21.

“We discussed that there will be a designated liaison officer, a priest, who can work closely with the police to ensure that no untoward incident will happen in our places of worship,” ani Durana.

Sinabi rin ni Durana na titiyakin pa rin ang seguridad ng church leaders sa kabila ng pagtanggi ng ilang obispo na mabigyan sila ng seguridad kahit na may natatanggap na death threats.

Giit ng opisyal, mandato ng PNP na siguruhin ang kaligtasan ng lahat kahit pa ng mga nagkasala sa batas.

Ang pulong ng PNP sa CBCP ay para lamang matiyak sa Simbahan na plantsado na ang security preparations para sa halalan.

Hiningi ni Durana ang suporta at panalangin ng Simbahan upang maging maayos, mapayapa, malinis at tapat ang halalan.

Ang pulong ay dinaluhan nina NCRPO director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, PPCRV chairperson Myla Villanueva, at CBCP Public Affairs Committee Executive Secretary Father Jerome Secillano.

Read more...