Dumarami na ang tumatangkilik sa holiday non-stop bus ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagbibigay ng tuloy-tuloy na serbisyo at biyahe sa mga patungo sa Makati City para makabawas sa pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Ilang araw na ding nangangampanya sa pamamagitan ng ng text ang MMDA para hikayatin ang publiko na tangkilikin ang holiday non-stop bus na tuloy-tuloy ang biyahe sa tatlong ruta.
Sa pakikipagtulungan sa National Telecommunications Commission (NTC) nagpadala ng SMS ang MMDA para hikayatin ang publiko na tangkilikin ang nasabing serbisyo.
“Help reduce MM Traffic: Leave car at home or park at mall, enjoy the comfort of Premium Bus Service (scheduled and point to point) starts Dec. 5! Info at MMDA/DOTC website,” nakasaad sa text message.
Ang holiday non-stop bus service ay mayroong tatlong ruta na kinabibilangan ng; Trinoma – Park Square Ayala at pabalik, SM North Edsa – Gloretta 5 at pabalik, at ang SM Megamall – Park Square Ayala at pabalik.
Kaninang alas 7:15 ng umaga halos mapuno na ang umalis na bus patungo sa Makati.
Umabot sa 46 ang sakay ng bus at tatlong pasahero lamang ang kulang nito para mapuno.
Ang nasabing mga bus ay hindi nagbababa at nagsasakay sa kahabaan ng EDSA at maari lamang bumaba sa mismong destinasyon nito.
May sakay man o wala, aalis sa terminal ang mga bus sa oras na itinakda.
Ang nasabing bus express service ay bahagi ng programa ng DOTC at MMDA para kahit paano ay maibsan ang masikip na daloy ng trapiko kapag ganitong holiday season.