Hindi ipapakulong ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang naarestong lalaki na uploader umano ng “Totoong Narcolist” video.
Ayon kay Duterte-Carpio, hindi siya makakapagsalita para sa ibang miyembro ng kanilang pamilya.
Tinawag nito na “fool” ang sinasabing responsable sa kontrobersyal na video.
Matatandaang inilahad sa video na sangkot umano sa illegal drug trade ang kaniyang asawa na si Atty. Manases Carpio, kapatid na si dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at si dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go.
Pati ang bunsong anak ng pangulo na si Kitty Duterte ay isinama rin sa nasabing akusasyon ng isang nagngangalang Bikoy.
Kanina ay sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na inaresto ang uploader ng “Bikoy” video na si Rodel Jayme base sa inilabas na arrest warrant ng Makati Regional Trial Court.
Bukod sa paglabag sa anti-cybercrime law ay may iba pang mga kaso na kakaharapin ang suspek lalo’t menor-de-edad ang bunsong anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na isinangkot rin sa illegal drug trade.
Nauna dito ay lumabas ang ilang mga ulat na konektado sa grupo ng oposisyon si Jayme dahil sa naging papel nito sa ilang online accounts ng ilang kritiko ng pamahalaan.