Angara: Mga OFW sa Libya dapat umuwi na para sa kanilang kaligtasan

File photo

Hinimok ni re-electionist Senator Sonny Angara ang mga kaanak ng mga OFW sa Libya na sila na ang mismong mangumbinsi sa kanilang mga mahal sa buhay na bumalik na sa bansa dahil sa patuloy na paglala ng gulo roon.

Reaksyon ito ng senador matapos itaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang crisis alert sa Libya kaugnay nang patuloy na gulo sa capital city na Tripoli.

Ani Angara, sa sandaling itaas ng DFA ang Alert Level 4, hindi na dapat pang magdalawang-isip ang mga OFW kundi sumailalim na sa mandatory repatriation dahil lubhang mapanganib na ang ibig sabihin nito.

Mababatid na mahigit 3,000 OFWs ang nananatili ngayon sa Libya at bilang paunang aksyon ay nagpatupad ng deployment freeze ang Pilipinas sa naturang bansa.

“Nakikiusap tayo sa mga kaanak ng ating OFWs sa Libya na sila na mismo ang humikayat sa kanila na umuwi na muna rito sa atin. Dapat tayong sumunod sa ipinag-uutos na forced evacuation ng gobyerno at magtungo sa embahada ng Pilipinas sa Tripoli para mas mapadali ang pagpapauwi sa kanila rito,” ani Angara.

Ayon pa sa senador, hindi na dapat mag-atubili ang OFWs sa Libya na magbalik Pilipinas sa lalong madaling panahon upang makaiwas sa mga tiyak na kapahamakan sa nagaganap na sigalot sa nasabing bansa.

“Sana’y umuwi muna sila para makapiling na nila ang kanilang mga mahal sa buhay. Ang bawat buhay po ay mahalaga,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinabi pa ni Angara na tiyak namang hindi mauuwi sa kawalan ang pinagpaguran ng mga manggagawang Pinoy mula sa nasabing bansa.

Read more...